Recent Updates Toggle Comment Threads | Keyboard Shortcuts

  • Angkan ni Basio 9:07 pm on June 21, 2009 Permalink | Reply
    Tags: about, biography, Filipino writers, Gervasio Santiago, Liwayway Magazine   

    Kay Tatay, sa kanyang ika-100 kaarawan 

    (Isinulat at unang nilagay sa Facebook ng may-akda noong 19 Hunyo 2009)

    Kaarawan niya ngayon. Kanina, nagising ako sa panaginip ng mga inaagiw na bintana sa kanyang dating kuwarto. Isinusulat ko ito para palisin ang mga agiw at nang makilala siya nang mas mabuti ng kanyang mga kaapu-apuhan at iba pang kaanak na pira-pirasong bahagi lamang niya ang nasulyapan mula sa bintana.

    Isinilang siya sa Quiapo, Maynila noong Hunyo 19, 1909. Panganay na lalaki sa limang anak nina Pablo Santiago ng Quiapo at dating Inez Bautista ng Sta. Barbara, Pangasinan. Ang mga kapatid niya ay sina Angela (namatay noong bata pa lamang), Vivencio (manggagawa), Quirico (manggagawa) at Florencia (mananahi). Dalawang taon siyang nagkolehiyo sa Rizal College sa Mandaluyong.

    Sa pagitan nito, nagtrabaho siya bilang tagasala ng sapal ng niyog sa pabrika ng mantika na pinangangasiwaan ng kanyang ama. Nang ikinukuwento niya ito sa akin noong lampas 80 anyos na siya, napapailing siya sa sariling kapusukan. Kung paano siya nag-organisa at nagpa-piket ng mga kasamahang manggagawa laban sa di-makataong kalagayan sa paggawa. Kung paano pumayag ang kapitalista sa hiling ng mga mangggagawa, pero bilang kondisyon, hindi na siya makakabalik sa dating trabaho. Kung paano siya nagkusang magbitiw, baon ang pakiramdam na nagtagumpay siya sa unang pakikihamok hindi lamang sa maling sistema kundi sa paghakbang palayo sa anino ng kanyang ama. Hindi na napaliit ang distansya ng mag-ama hanggang sa, pagkaraan ng isang taon, mamatay sa atake sa puso ang matanda.

    Naatang sa balikat niya ang responsibilidad para sa kanyang ina at apat na kapatid. Natigil siya ng pag-aaral, nagtrabaho kung saan-saan at nakaranas ng matinding hirap. Sa mga sumunod na dekada, makikitang malalim ang naging timo at mahigpit niyang tinanganan ang mga aral tungkol sa pakikisangkot at responsibilidad mula sa mga karanasang ito.

    Napangasawa niya noong Disyembre 1931 si Belen Medina Manalo, na ang mga kaanak, kabilang ang isang dating Punong Hukom ng Korte Suprema at isang hepe ng pulisya ng Maynila, ay naging mga matagumpay sa kani-kaniyang propesyon at maalwan sa buhay. Naging dagdag na motibo rin ito para sa kanya upang higit na magsikap, mapatunayan ang kanyang sarili sa mata ng lipunan at maitaguyod ang 12 nilang naging mga anak.

    Noong 1936, sinubok niya ang pagsusulat ng maikling kuwento at isinumite ito sa Liwayway, ang nangungunang magasing Tagalog noong panahong iyon. Nang mailathala ang kanyang unang kuwento, hinilingan pa siya ng patnugot na magsulat at magpadala pa ng kanyang mga kontribusyon. Binukalan siya ng inspirasyon at nakapaglathala ng maraming akda sa iba’t ibang sagisag-pangalan; ang iba ay ipinangalan niya sa kanyang kabiyak. (Maging ang mga patnugot ng mga antolohiya mula sa Ateneo ay nag-akalang tunay na pangalan ng may-akda ang Belen Manalo Santiago, na isa sa mga namumukod na akda ay ang “Sa Agos ng Batis”/Tagumpay, 1945; “Limutin Mo Ako”/Tagumpay, 1946; “Ang Kaniyang Bantayog”/Liwayway, 1956; “Cayumanggi a Venus”/Iloko, 1948, at; ang maikiling nobelang “Sino Ako”/Aliwan, 1950?). Noong 1937, kapwa napabilang sa kuleksyon ng mga kuwentong “Kayamanan at Pag-ibig” ang kanyang mga akdang “Mutyang-Mutya” (Belen Manalo Santiago) at Madaling Araw (GBS). Mag-aapat na ang kanilang mga anak noon at ang bawat malathalang kuwento ay dagdag na pagkain sa hapag.

    Di naglaon, naging istap siya ng Tagumpay (?) at ng Liwayway sa pamamatnugot ni Pedrito Reyes at Jose Esperanza Cruz. Inilathala din sa Aliwan (Palimbagang Tagumpay) noong Marso 1948 ang isang kalipunan ng mga maikling kuwento, kabilang ang kanyang “Rigudon ng Pag-ibig.” Noong 1950, nailathala naman sa panulat ng kaibigan at kamanunulat na si Alfonso Sujeco ang aklat na “Talambuhay ni Gervasio B. Santiago.” Napakarami ng kanyang mga nalikhang kuwento at nobela, na marahil ay umabot sa mahigit isang libo (mula 1936 hanggang noong unang bahagi ng 1990s) at ang kalakhan ay nalathala sa Liwayway, tulad ng Sementadong Hagdan; Mahigit sa Manika; Maganda ang Bulaklak; Uod at Mariposa; Lantay ang Walang Daya at Alang-alang sa Buhay. Ang kanyang natatanging maikling kuwentong “Pinaghating Sangdaaning piso” ay inilabas ng Palimbagang Tagumpay noong 1950(?). Sa ilalim din ng panulat na S.G. Bautista, lumabas ang akdang Saing-saingan (1957) sa Liwayway, kung saan katuwang niyang nagsulat si Fabian C. Agustin sa ilalim ng sagisag naman nitong M.S. Martin.

    Gervasio B. Santiago, Sr.: Ang manunulat at magiging editor ng Liwayway sa gitna ng mga manuskrito. Kalagitnaan ng 1950s.

    Gervasio B. Santiago, Sr.: Ang manunulat at magiging editor ng Liwayway sa gitna ng mga manuskrito. Kalagitnaan ng 1950s.

    Ayon sa Wikipedia, naging kasapi siya ng samahang 12 Panitik. Noong 1936, nabigyan siya ng Liwayway ng gantimpala para sa kanyang maikiling kuwentong Leonor Dalisay. “Naging aktibong manunulat siya sa lahat ng lingguhan at buwanang mga babasahing Tagalog sa Maynila. Napabilang siya sa 50 Batikang Kuwentista dahil sa kanyang kuwentong Hinakdal. Noong panahon ng Hapon, nalathala ang kanyang nobelang Sa Lundo ng Pangarap, kasabay ng mga matalisik na nobela ng pakikisangkot nina Amado V. Hernandez (Luha ng Buwaya at Mga Ibong Mandaragit) at Lazaro Francisco (Daluyong).

    Si Tatay (nakatayo at naka-bow tie, pangatlo mula sa kanan), kasama ang mga ka-manunulat kabilang sina Clodualdo del Mundo, Liwayway Arceo-Bautista, J.D. Karasig, Adriano P. Laudico, atbp. Larawang may petsang Disyembre 24, 1953.

    Si Tatay (nakatayo at naka-bow tie, pangatlo mula sa kanan), kasama ang mga ka-manunulat kabilang sina Clodualdo del Mundo, Liwayway Arceo-Bautista, J.D. Karasig, Adriano P. Laudico, atbp. Larawang may petsang Disyembre 24, 1953.

    (Sa puntong ito, ipagpapaumanhin ko sa mga kaanak at kaibigan ang kadahupan ng datos tungkol sa kanya. Kabilang ang kanyang talambuhay sa mga personal na proyekto kong nalampasan ng sarili kong rumaragasang buhay. Gayundin ang malalabong larawan na hindi ko pa rin naisasalin nang maayos sa digital format.)

    Marami sa kanyang mga akda ay naisapelikula (kabilang ang Siyam na Langit/1962, Madaling Araw/1958, atbp). Napasama siya sa mga antolohiya at madalas nahihilingang magsalita sa mga pagtitipon. Laman siya ng mga palihan ng Liwayway sa Cabcaben, Bataan. Bagamat hindi siya mahilig sumali sa mga pakontes ng mga manunulat, marami siyang natamong mga karangalan, kabilang na ang Gawad Kalinangan ng Lungsod ng Quezon noong maagang bahagi ng 1970s.

    Si Tatay, panauhing tagapagsalita sa gradweysyon ng isang hayskul sa Maynila. Maagang bahagi ng 1960s.

    Si Tatay, panauhing tagapagsalita sa gradweysyon ng isang hayskul sa Maynila. Maagang bahagi ng 1960s.

    Matapos ang mahigit dalawang dekada ng tapat na panunungkulan sa Liwayway, nahirang siyang patnugot ng magasing ito ng angkang Roces. Bukod sa pag-eedit ng magasin, patuloy pa rin siyang nagsulat ng mga nobela, maikling kuwento at ilang lathalain kung kinakailangan. Naging gabay at guro din siya ng ilang nagsisimulang manunulat noong panahong iyon kabilang na sina Lualhati Bautista at Levy Balgos de la Cruz. Sa kabilang banda, tinuligsa naman siya at ang mga tradisyunal na panuntunang pampanitikan na kinakatawan ng Liwayway ng ibang kabataang manunulat na noon ay mapangahas na bumabasag ng mga tematiko at istaylistikong kumbensyon noong huling bahagi ng dekada 60.

    Siya ang pinakamatagal na naging patnugot ng Liwayway (1960-1979) at marahil ang pinakamatandang nagretiro (halos 70 anyos) dahil sa paulit-ulit na ekstensyon ng Management. Ironiko ding ang kanyang matapat na pagsisilbi sa magasin ay hindi nasuklian ng katapatan sa kanyang pagreretiro. Hanggang sa huling sandali, malaking sugat sa kanyang dibdib ang hindi pagkakabigay ng kabuuan ng kanyang retirement pay na umano’y nawala na dahil sa pagpapaikot ng bagong Management ng pera ng kumpanya sa iba nitong negosyo, tulad ng plantasyon ng pinya sa Mindanao.

    Nanatili siyang isang simpleng tao na may simpleng pamumuhay at panlasa. Ang paggising ng maaga para maglakad, gumayak, magbaon ng ilang pirasong pandesal at magdyip papasok sa dating tanggapan nila sa Soler. Nabago lamang ito nang mapunta kay H.M. Menzi, isang kilalang kroni ni Marcos, ang mga publikasyon ng mga Roces (kabilang na ang Banaag, Bisaya, Hiligaynon, Bannawag, Bulletin Today, at Balita) at lumipat ang Liwayway sa Makati: kailangan niyang umalis nang mas maaga para makasakay sa karag-karag na tren sa may palengke ng Blumentritt.

    Katangi-tangi din ang kanyang integridad. Hindi niya kailanman ginamit ang kanyang posisyon upang magpayaman o makakuha ng pabor kaninuman. Nakatulong din marahil dito ang kanyang malalim na ispiritwalidad na masasalamin sa kanyang mga akda na ang kalakhan ay binansagan ng ilang kritiko na mistikal at nalalambungan ng mga bagay na hindi maipapaliwanag, ngunit pinaniniwalaan. Sa loob ng maraming taon, aktibong kasapi siya at si Lola Inez ng isang grupo ng mga Ispiritista, na nakalakhan ko sa tawag na Centro, na lingguhang nagtitipon malapit sa isang bahay sa Mandaluyong malapit sa Ilog Pasig. Hindi siya nagsisimba, bagamat hinahayaan niya ang Nanay na maging deboto ng kung sinu-sinong santo o kami ni Ate Vickie na pumasok sa iskwelang katoliko o si Kuya Ramon na mag-Cursillo.

    Nakalakhan ko din ang kanyang panggagamot sa pamamagitan ng pagdarasal at pagpatong ng kamay sa ulo o may-dinaramdam na bahagi ng katawan ng tao. Kasabay ng panunungkulan niya sa Liwayway, pinupuntahan din siya ng mga tao na mula pa sa mga probinsiya para magpagamot (o magpa-edit/magpagawa ng talumpati gaya ni matalik niyang kaibigang si G. Felimon Magtira na laging may bitbit na puto’t kutsinta mula sa Bulakan). Naging masugid at responsable siya sa pagtataguyod ng pamilya, na umabot sa 12 anak: Luz (+); Gervasio, Jr./Totoy (+); Isagani (+); Amor; Caridad (+); Fe; Pablo; Ricardo/Dante (+); Aurora (+); Liza; Ramon, at; Victoria. Tipikal sa mga ama ng kanyang henerasyon, mahigpit siya sa mga anak, laluna sa mga babae. Nang magsabi ang isang ate ko na mayroon na siyang nobyo, binulyawan siya nito na kung ganoon ay mag-asawa na siya. (At dahil isa sa pinakapasaway ang anak na ito, pa-sutil ngang sinunod ang sinabi ng ama.) Isa sa mga alaala sa kanya ng mga anak ang pagiging mapagbiro: minsan daw ay tinakot sila nito nang nagpanggap na bangkay sa pamamagitan ng paghiga sa mahabang mesa sa komedor, kumpleto ang patay na ilaw, apat na kandila sa mga kanto ng mesa at panyong nakatali sa ulo mula sa panga.

    Sa kanyang mga apo, mananatili ang larawan niya bilang mapagmahal, mapagbigay at masayahing lolo. Matapos siyang magretiro, mas tumampok ang ganitong mga katangian niya, marahil bilang pagbawi sa lumipas at sa napalampas niyang kasiyahan na maging bahagi ng paglaki ng sariling mga anak. Nang nagtatrabaho pa siya, mahigpit ang pagsunod niya sa kanyang iskedyul at pagkabuhos ng kanyang atensyon sa pagsusulat o pagdarasal. Hindi siya binabagabag ng anumang alalahanin sa pagpapatakbo ng bahay o pagpapalaki sa mga anak: sa mga matatag na balikat ng asawang si Belen isinalalay ang lahat ng ito. Walang nakakapasok nang basta-basta sa kanyang kuwarto. Walang nakikialam sa kanyang aklatan. Walang kumukulit sa kanya tungkol sa mga takdang-aralin o kung ano ang Martial Law o kung ano ang pasalubong niya bukod sa araw-araw na dyaryong Balita at lingguhang Liwayway. Wala, hanggang dumating ako sa buhay niya.

    Ako ang itinuring at pinalayaw niyang anak sa takipsilim ng kanyang buhay. Nang iniwan ako ng aking bayolohikal na ina sa pamilyang Santiago, hindi na ako nabawi nang mapamahal ako kay Tatay. Sukdulang maglipat ng tirahan para hindi na sila masundan. Madalas, naihahambing ko ang sarili ko kay Athena, na sumilang nang ganap na dalaga, mula sa ulo ng kanyang ama. (Sa ibang sulatin na lang ako magpapalawig tungkol dito.)

    Sa binyag ng sutil na bunso. 1967.

    Sa binyag ng sutil na bunso. 1967.

    Sa kanyang mga anak, isa ako sa dalawang naging manunulat. Si Kuya Dante ay isang sumisibol na piksyunista, na nasagkaan ng mga isyung censorship at krusadang moralista noong huling bahagi ng dekada 70, at naging punong patnugot ng tabloid na People’s Taliba bago siya namatay noong 1997. Si Kuya Totoy/Jun ay matagal ding naging bahagi ng mundo ng publishing bilang advertising manager at publisher.

    Nang magpakita ako ng interes sa pagsusulat noong hayskul, bagamat may pagmamalaki sa aking unang nailathala, sinabi niya sa akin na ayaw niyang maging manunulat ako dahil sa hirap ng buhay na papasukin ko. Iginiya niya ako sa pag-aaral ng may kaugnayan sa computers sa halip na sa pagtuturo gaya ng una kong pangarap. Pero dahil ang kanyang bunso ang lumabas na pinakapangahas at pinakapasaway, hindi lang ako naging manunulat, naging aktibista pa. Ang huli ay nangyari sa panahong hindi na niya ako masubaybayan o pisikal na mapigilan dahil sa kanyang kalusugan at sa paglipat ng pamilya sa Laguna.

    Gayunpaman, hindi lamang niya unti-unting natanggap ang landas na tinahak ko, napansin kong unti-unti na rin niyang binuksan ang sariling isip sa mga kabalintunaan ng ating mapaniil at marahas na lipunan at sa katumpakan ng paglaban. Hanggang sa hindi na kinaya ng kanyang mga matang may katarata, nagmakinilya pa rin siya ng kanyang mga kuwento, na ang pailan-ilan ay nalathala pa rin sa Liwayway. Ang naiwan niyang hindi natapos na nobela (na nasa aking pag-iingat) ay lubhang kaiba sa kanyang mga karaniwang akda tungkol sa romantikong pag-ibig at sa pananampalataya sa Diyos. Nagtampok ito ng isang tauhang babae na malinaw na nasa gitna ng at nakikitalad sa isang nagbabagong lipunan.

    Nakakalungkot pa ring isipin na ang mga huling taon ng kanyang buhay ay kinatangian ng aming pagkakawalay, pisikal man o emosyunal. Bagamat sa aming mga pagkikita, hindi pa rin matigil ang aming pagbabahaginan. Ikinuwento niya sa akin ang mga naaalala niyang pangyayari noong kanyang kabataan. Hanggang sa lumabo ang pag-iisip niya; nang dahil sa Alzheimer’s o Senile Dementia, hindi na namin nalaman. Hanggang sa gupuin ang kanyang katawan ng pulmonya.

    Ayaw na ayaw niyang magpunta sa doktor o ospital. Hanggang sa bago siya mamatay, matipuno pa rin ang kanyang pangangatawan dahil, aniya, sa kanyang pagbabaras noong kanyang kabataan at sa regular niyang paglalakad bilang ehersisyo hanggang kaya pa niya noong matanda na siya. Dalawang beses lamang siyang napilitang pumasok sa ospital. Una ay nang operahin ang bukol sa kanyang likod. Ang huli ay nang busbusin ang kanyang katarata na ipinagkatiwala niya sa mga doktor dahil kabilang sa mga ito ang apo niyang si Jun Lafuente.

    Hanggang sa huling sandali, naniniwala akong matibay ang paniniwala niya sa kanyang Diyos, ang pagmamahal sa kanyang pamilya at ang hindi pagsisisi sa kanyang pagiging manunulat. Gayundin, nais kong isipin, ang huling-yugtong pagkamulat sa mga pangyayari sa bayan. Hindi ko na papalawigin dito ang mga huling linggo niya hanggang sa kanyang pagpanaw noong Agosto 14, 1993, tatlong araw lamang pagkatapos mamatay si Nanay Belen. Bahagi ito ng napakalungkot na yugto sa kasaysayan ng aming pamilya, na para sa akin, hindi kailanman mapapagkit sa malay. Hindi kailanman mapupunan ang kawalan sa aming puso.

    Si Tatay, sa isang salu-salo sa bahay nina Kuya Dante sa Malinta. Summer 1983.

    Si Tatay, sa isang salu-salo sa bahay nina Kuya Dante sa Malinta. Summer 1983.

    Para mapanatiling buhay ang kanyang alaala, alay ko sa ika-100 kaarawan niya ang sanaysay na ito. Kasama ang pangako ng pag-uugnay-ugnay ng kanyang angkan hanggang sa kaapu-apuhan saanmang bahagi ng mundo. Nang hindi mabalutan ng maitim na agiw ang aming mga kamalayan tungkol sa sinibulang pamilya, angkan, inang-bayan. Nang hindi makalimutang maalala ang kanilang pinagmulan: Gervasio B. Santiago, Sr., ama, asawa, lolo, kaibigan, guro, manunulat, patnugot, manggagamot, mabuting tao.

    Maligayang kaarawan, Tatay!

     
    • Benigno Casis Benoza, Jr. 7:18 pm on November 26, 2015 Permalink | Reply

      Magandang araw po at Ang Pagpapala Ng PANGINOONG DIOS Ay sumasaating lahat! Ako nga po pala si G. Benigno Casis Benoza, Jr., kakilala ni G. Gervacio M. Santiago, Jr. (Jun Santiago) at naging staff writer/associate editor ng Marikit Magasin na pinamahalaan niya noon. Bene Casis Benoza ang ginamit kong pangalan sa Marikit Magasin. Naitabi at napa-book bound ko pa ang mga kopya ng nasabing magasin. Siya pala’y yumao na. Katulad ng kanyang amang si Gervacio, Sr., siya rin ay mabuting tao. Ako’y lubos na nagpapasalamat sa kanya sa pagbigay sa akin ng pagkakataon upang makapagsulat at kumita rin kahit papaano. Madalas din akong nagpupunta noon sa bahay nila sa Maynila noong ako’y nakatira rin sa nasabing lunsod. Mula noong taong 1994 and as of this time, sa Pampanga na ako nakatira kasama ang aking pamilya. Ako’y lubos na nagagalak at humahanga sa salaysay tungkol kay G. Gervacio B, Santiago, Sr. na masasabi ring isang tunay na haligi ng panitikang Pilipino. Salamat po!

  • Angkan ni Basio 12:24 am on June 21, 2009 Permalink | Reply  

    Hello world! 

    Welcome sa blog ng angkan ni Basio! Panimulang hakbang pa lang ito para mapag-ugnay-ugnay ang mga anak, pamangkin, apo at iba pang kamag-anak ni Gervasio B. Santiago, manunulat at dating patnugot ng magasing Liwayway.

    Magparamdam kayo o mag-post din ng mga kwento at litrato para mapaunlad pa natin ang site na ito. Magmungkahi din kayo kung paano pa natin ito mapapaganda at kung paano pa mapapahigpit ang pagkakabigkis ng angkan ni Basio saanmang sulok ng mundo.

     
    • Mr WordPress 12:24 am on June 21, 2009 Permalink | Reply

      P.S.
      Ang blog admin nga pala nito ay ako: si Ria 🙂

      • Ceci 6:11 pm on June 24, 2009 Permalink | Reply

        Unang apo na babae sa panganay na anak ni Tatay Basio na si Luz ay ako. si Ceci

        • angkannibasyo 1:57 am on April 15, 2012 Permalink

          Ni-claim mo talaga na ikaw ang unang apong babae, ha. Ate? What’s up? Lola ka na ba?;p Sent you a PM. Keep us posted kung kelan ka ulit magbabakasyon dito. Ingats. -Ria

      • Christine Marie L. Magpile 10:12 pm on February 25, 2013 Permalink | Reply

        February 27, 2013

        TO: The Immediate Family of Mr. Gervacio B. Santiago
        Author of Nang Maligaw si Nyora Memay

        RE: Request for Permission to Use/Print Selection

        Dear Sir/Madam:

        Greetings from Abiva Publishing House, Inc. (APHI)!

        Abiva Publishing House, Inc. (APHI) is the pioneer educational publisher in the Philippines. APHI provides quality but affordable textbooks in basic education for Filipino students. One of our authors would like to use Mr. Gervacio B. Santiago’s short story, “Nang Maligaw si Nyora Memay” and include it for a high school Filipino textbook entitled, Bulwagan.

        In view thereof, we would like to request your permission to use and reprint the said selection. We hope to merit your most favorable response to our request. We look forward to receive your reply as soon as possible.

        You can get in touch with us through the following contact information.
        office e-mail: prodaralingpanlipunan@abiva.com.ph
        office number: 712-0245 (local 221, 229)
        mobile number: (+63918) 4093536

        Kindly state your permission to allow us to use/print your selection for our textbook. Indicate as well other conditions which we need to comply with. Thank you very much for your anticipated support and cooperation. More power in the name of excellence! God bless.

        Sincerely,

        Ms. Christine Marie L. Magpile
        Asst. Editor for Araling Panlipunan

        • angkannibasyo 8:31 am on February 28, 2013 Permalink

          Dear Ms. Magpile,

          I sent you a reply through the book project’s e-mail address. Thank you for your interest.

          Cheers,
          Mari M. Santiago

    • Sonny 5:43 pm on March 4, 2012 Permalink | Reply

      Puwedeng mag Inquire kung may issue kayo ng 1950s-60 na puwedeng mag scan ng copy.

      salamat, Sonny

      • angkannibasyo 1:51 am on April 15, 2012 Permalink | Reply

        hi, sonny. do you mean back issues ng liwayway? ang alam ko, meron sa national library. Sa liwayway library (nasa manila bulletin compound sa intramuros) mismo, may bound issues sila from 1945 to present. pero wala silang available scanner for researchers’ use. kaya you have to bring your own digital camera. pasensya na sa late reply.

    • FATIMA SANTIAGO SANTOS 11:03 pm on April 13, 2012 Permalink | Reply

      Hi Ria! You may remember me by my nickname Patti. I’m one of Vivencio Santiago’s granddaughter, and daughter of Ben Santiago from Novaliches. We used to visit lolo Basio maybe in the late 70’s or early 80’s. I remember lolo Basio telling me to play with you ( I think that was you ?) whenever we came by for a visit. It’s nice that you have written an article about him. It also helped me learn more about my dad’s side of the family. Salamat!

      • angkannibasyo 1:56 am on April 15, 2012 Permalink | Reply

        Hi, Pat! Of course! May picture pa nga kayo ng kuya mo dun sa isang family picture sa D. Tuazon. Glad that you appreciated the write-up. Better than that, we’re presently preparing a book featuring some of his works. If you are using Facebook, check Louis’, Pepay’s or Dodie’s account and you can add me (Mari M. Santiago/alternatively, sa email kong ). Para makasama ka sa discussion threads ng angkan. May pinaplano din kasing clan reunion along with the book launch. Keep in touch!

      • Christine Marie L. Magpile 10:13 pm on February 25, 2013 Permalink | Reply

        February 27, 2013

        TO: The Immediate Family of Mr. Gervacio B. Santiago
        Author of Nang Maligaw si Nyora Memay

        RE: Request for Permission to Use/Print Selection

        Dear Sir/Madam:

        Greetings from Abiva Publishing House, Inc. (APHI)!

        Abiva Publishing House, Inc. (APHI) is the pioneer educational publisher in the Philippines. APHI provides quality but affordable textbooks in basic education for Filipino students. One of our authors would like to use Mr. Gervacio B. Santiago’s short story, “Nang Maligaw si Nyora Memay” and include it for a high school Filipino textbook entitled, Bulwagan.

        In view thereof, we would like to request your permission to use and reprint the said selection. We hope to merit your most favorable response to our request. We look forward to receive your reply as soon as possible.

        You can get in touch with us through the following contact information.
        office e-mail: prodaralingpanlipunan@abiva.com.ph
        office number: 712-0245 (local 221, 229)
        mobile number: (+63918) 4093536

        Kindly state your permission to allow us to use/print your selection for our textbook. Indicate as well other conditions which we need to comply with. Thank you very much for your anticipated support and cooperation. More power in the name of excellence! God bless.

        Sincerely,

        Ms. Christine Marie L. Magpile
        Asst. Editor for Araling Panlipunan

c
Compose new post
j
Next post/Next comment
k
Previous post/Previous comment
r
Reply
e
Edit
o
Show/Hide comments
t
Go to top
l
Go to login
h
Show/Hide help
shift + esc
Cancel